--Ads--

CAUAYAN CITY – Nagdulot ng ilang oras na pagkawala ng tustos ng kuryente sa ilang barangay ng Cauayan City ang pagbangga ng isang trailer truck sa poste ng Isabela Electric Cooperative o ISELCO 1 sa bahagi ng pambansang lansangan na nasasakupan ng Brgy. Nungnungan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Ryan Ocampo, nakakita sa pangyayari, sinabi niya na umaatras ang trailer truck at hindi napansin ang poste ng kuryente.

Aniya sumisigaw na silang nakakitaang tsuper ng trailer truck ngunit maaring hindi narinig kaya dire-diretso ito at bumangga sa poste.

Naputol ang poste na naging dahilan naman ng pagkawala ng tustos ng kuryente sa ilang barangay sa Cauayan City pangunahin na sa Minante I Proper, Nagrumbuan, Nungnungan I, Nungnungan II, bahagi ng Naganacan, bahagi ng Sillawit, Pinoma, San Antonio at San Isidro.

--Ads--

Ayon kay Ginoong Ocampo, mag-isa lamang ang tsuper at wala itong kasamang pahinante nang mangyari ang aksidente.

Balak sanang iparada ng tsuper ang truck sa gilid ng kalsada ngunit hindi nito natantiya ang poste ng kuryente.

Alas-5 naman ng hapon nang maayos ito at maibalik ang tustos ng kuryente ng mga kawani ng ISELCO 1.