CAUAYAN CITY- Ipinababatid ng pamunuan ng National Irrigation Administration – Magat River Integrated Irrigation System o NIA MARIIS na bahagyang bubuksan ng isang metro ang isang spillway gate ng Dam bukas, ika-29 ng Setyembre sa oras na alas dose ng tanghali.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Carlo Ablan, Division Manager ng Dam and Reservoir Division, sinabi niya maglalabas ng nasa 164 cubic meters per second na tubig ang dam bilang paghahanda sa inaasahang malakas na buhos ng ulan na dala ng Bagyong Julian.
Kabilang sa mga maapektuhan ng pagpapakawala ng tubig ay ang Bayan ng Ramon, San Mateo, Cabatuan, Aurora, ilang parte ng Reina Mercedes, Naguilian at Gamu.
Bagama’t nasa 186.48 meters above sea level ang water elevation ng dam ay kinakailangan pa rin nilang magpakawala ng tubig alinsunod na rin sa inilabas na abiso ng Pagasa na magkakaroon ng malakas na buhos ng ulan sa Linggo at mga susunod na araw.
Aniya, bagamat minimal lamang ang magiging epekto ng pagpapakawala ng tubig ay pinag-iingat pa rin ang lahat na manatiling alerto lalo na sa mga lugar na nasa mga mababang area.