CAUAYAN CITY- Arestado ang isang Pulis matapos na manutok ng baril at masamsaman pa ng droga sa Tallungan, Reina Mercedes, Isabela.
Una rito ay nagkasa ang pinagsanib na pwersa ng Provincial Drug Enforcement Group, IMEG at Reina Mercedes Police Station ng isang Police Response Operation kung saan nasakote si PSSgt. Joel Balanay na aktibong Miyembro ng PNP at nakatalaga sa Jones Police Station.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Charles Cariño, Chief of Police, Reina Mercedes Isabela, sinabi niya na nakatanggap sila ng report na isang Police personnel ng IPPO ang nanutok ng baril sa kasagsagan ng isang casing and surveillance operation sa lugar.
Ayon kay PMaj.CARIÑO na posibleng naghinala ang suspect na siya ang subject sa ginagawang surveillance ng Intel. Operatives ng Isabela Police Provincial Offices o IPPO kaya agad niya itong tinutukan ng baril bago nagtangkang tumakas.
Agad silang nagsagawa ng hot pursuit operation kung saan siya ay naaresto sa Barangay Tallungan Reina Mercedes, Isabela.
Nakuha mula sa kaniyang direktang pag-iingat ang kaniyang service firearm na isang caliber 9mm pistol at isang pakete ng shabu, habang isa pang hinihinalang droga ang nakuha mula sa ginamit nitong motorsiklo.
Sa katunayan aniya ay matagal na nasa monitoring si Balanay sa pangunguna ng IMEG na hinihinalang matagal naring sangkot sa iligal na gawain.
Ang sangkot na pulis ay nasa kostodiya na ng Reina Mercedes Police Station at posibleng maharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.