CAUAYAN CITY – Patuloy ang pagpapakawala ng tubig sa Magat Dam sa Ramon, Isabela na nagsimula kahapon araw ng Linggo bilang paghahanda sa ulang dala ng bagyong Julian.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Carlo Ablan, Division Manager ng National Irrigation Administration-Magat River Integrated Irrigation System o NIA-MARIIS sinabi niya na may taas na isang metro ang nakabukas sa gate ng Magat Dam at nasa 164cms ang outflow.
Nagsimula ang pagpapakawala ng tubig ng NIA-MARIIS kahapon ng tanghali.
Inaabisuhan naman ng ahensya ang mga residenteng nakatira malapit sa ilog na mag-ingat sa posibleng pagtaas ng lebel ng tubig.
Pinaalalahanan din niya ang mga nagsasagawa ng quarry sa ilog na pansamantalang itigil muna ang operasyon at ilagay sa mataas na lugar ang mga heavy equipment pangunahin ang mga dump truck upang hindi maapektuhan sa water release.