CAUAYAN CITY – Ginawaran ng Presidential Lingkod Bayan Award sa Malacañang Palace ang dalawang Propesor sa lalawigan ng Isabela.
Ang mga awardee ay sina Dr. Myleen Corpuz, Associate Professor V at Dr. Martina Peñalber, Associate Professor II na kapwa mula sa Isabela State University.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kina Dr. Myleen Castillio at Dr. Martina Peñalber, sinabi nila na ang naturang parangal ay iginagawad sa mga Pilipino na may natatanging kontribusyon sa kanilang lalawigan maging sa buong bansa.
Malaking salik naman para mapabilang sila sa nasabing parangal ay dahil sa mahigit 1,500 na Cacao Growers at Processors sa ilang mga lugar sa bansa na umangat ang pamumuhay sa tulong ng ISU Cacao Center na kanilang pinamumunuan.
Layunin ng nasabing organisasyon na mapalakas ang produksyon ng Cacao sa bansa at matulungan ang mga lokal na magsasaka ng Cacao.
Anila, ibinubuhos nila ang lahat ng kanilang oras sa pagtugon sa pangangailangan ng kanilang proyekto na kung minsan ay naisasakripisyo na ang mga oras sana nila sa kanilang pamilya.
Dahil sa dedikasyon na makatulong sa kanilang mga kababayan ay nakita ng Civil Service Commission ang kanilang sipag at tiyaga dahilan upang mapabilang sila sa limang indibidwal na nabigyan ng parangal sa Palasyo ng Malakanyang na iginawad pa mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Matapos maparangalan ay marami na umanong mga negosyo ang nais makipag-collaborate sa kanila kung saan marami ring mga oportunidad ang nagbukas na mas makatutulong naman sa pagpapaangat pa ng kabuhayan ng mga magasasaka.
Aminado naman sila na marami silang kinaharap na mga balakid sa pag-abot ng tagumpay na ito ngunit pinatunayan umano nila na kayang-kaya nilang magtagumpay sa kabila ng mga negatibong komento na ibinabato sa kanila ng iba.
Natutuwa naman sila dahil napapansin na ang pinaghirapan nilang programa.
Ayon sa dalawang propesor, ang tanging hangarin nila ay makapagserbisyo sa bansang Pilipinas, pangunahin na sa kapwa nila Isabeleño at lalung-lalo na sa mga magsasaka.