CAUAYAN CITY- Nadakip ang isang lalaki matapos nitong magnakaw sa isang bahay sa Brgy. San Fermin, Cauayan City at gamitin sa pang-iiscam ang cellphone na tinangay nito mula sa biktima.
Ang pinaghihinalaan ay si Alyas Jay, 20-anyos habang ang biktima na residente din ng nabanggit na barangay.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Cauayan City Police Station, nanloob umano ang pinaghihinalaan sa bahay ng biktima habang natutulog ang mga ito kung saan tinangay niya ang dalawang cellphone at bag na may lamang gold necklace at relo.
Dahil sa nakabukas ang social media account ng biktima sa ninakaw na cellphone ay ginamit umano ito ng suspek para manghingi ng pera sa anak ng biktima.
Dahil sa na-timbrehan na ang mga anak ng biktima na nanakaw ang kaniyang cellphone ay sinakyan umano nila ang suspek at nagpadala naman ng isang libong piso sa e-wallet na kinash out naman ng suspek sa isang tindahan.
Muli umanong nanghingi ng pera ang biktima ngunit sa pagkakataong ito ay nakipag-ugnayan na ang mga biktima sa himpilan ng pulisya kung saan muli silang nagpadala ng pera sa suspek at dito na na-korner ng mga awtoridad ang pinaghihinalaan.
Nabawi naman mula rito ang ibang mga gamit na ninakaw nito sa biktima ngunit nai-ibenta na nito ang isang unit ng cellphone.
Nakiusap naman ang pinaghihinalaan sa mga biktima na huwag nang magsampa ng kaso ngunit desidido umano ang anak ng biktima na panagutin ang suspek para hindi na ito muling makapambiktima pa.