CAUAYAN CITY – Hanggang ngayon ay nagtataka pa rin ang mga mamamayan sa Thailand sa pagkasunog ng isang bus na may sakay na 39 na mga batang mag-aaral at anim na guro.
Kinumpirma ng pulisya sa Thailand na 20 na mag-aaral at tatlong guro na sakay ng bus ang nasawi.
Ang bus ay isa sa tatlo na naghahatid ng mga bata at guro na pabalik mula sa isang field trip ng paaralan sa hilagang lalawigan ng Uthai Thani.
Ayon kay Bombo International News Correspondent Vincent Garnace, patuloy na inaalam ng pulisya kung negligence ang dahilan ng mabilis na pagkasunog ng bus.
Tumakas ang tsuper matapos ang insidente ngunit naaresto rin kalaunan.
Aniya nahirapang buksan ang pintuan ng bus at sa dami ng mga mag-aaral sa loob ay hindi na kinayang kontrolin ng mga guro at maaring nawalan na rin ang mga ito ng malay dahil sa usok.
Isa rin sa tinitingnan ngayon ng mga pulis ay ang negligence ng tsuper sa pagmamaneho at maging ang bus company dahil luma na ang bus.
Wala pa namang malinaw sa imbestigasyon ng pulisya hanggang sa ngayon dahil may mga gas cannisters ding nakita sa loob ng bus na maaring dahilan ng mabilis na pagkalat ng apoy.
Bagamat nagpapatuloy ang imbestigasyon ay sinuspinde na ang lisensya ng tsuper ng bus maging ang bus company na may-ari ng nasunog na bus.