Pinalilikas na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga Pilipino sa Lebanon at Israel pabalik ng bansa dahil sa paglala ng tensyon sa Middle East.
Ito’y matapos ang sunud-sunod na pag-atake laban sa mga target ng Hezbollah sa mga nakalipas na araw, at ang kaukulang ganti ng Iran laban sa Israel.
Sa sidelines ng 44th and 45th ASEAN Summit sa Laos, pinayuhan ng pangulo ang mga Pinoy na sundin ang mga abiso ng Embahada ng Pilipinas at ng mga pamahalaan ng Lebanon at Israel.
Nagpatawag din ng virtual meeting ang pangulo sa cabinet officials habang nasa Laos para magbaba ng direktiba sa mga kaukulang ahensya ng pamahalaan na gamitin ang lahat ng available na asset ng pamahalaan para matiyak na ligtas na makakauwi ang mga Pilipino sa bansa.
Ayon sa pangulo, ililikas nila ang mga Pinoy sa kahit na anong paraan, mapa-eroplano man o barko.
Gagawin aniya ng gobyermo ang lahat para masiguro ang kaligtasan ng mahigit 40,000 Pilipinong naninirahan sa Lebanon at Israel, at nangakong pauuwiin ang mga nais umuwi.