CAUAYAN CITY – Naiuwi na ang labi ng Electrical Engineering Student sa San Fermin, Cauayan City na nasawi sa kalagitnaan ng nilahukan nitong Fun Run sa Lungsod ng Ilagan.
Matatandaan na bigla na lamang umanong bumagsak at nawalan ng malay si Timothy John Idago sa kalagitnaan ng fun run na bahagi ng Sports and Socio-Cultural Festival ng Isabela State University – Ilagan Campus.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Thomas Idago, ama ng nasawi, sinabi niya na nasa Maynila siya nang mabalitaan niya ang nangyari sa kaniyang anak kaya agad siyang bumiyahe pa-Isabela para asikasuhin ang labi nito.
Aniya, hindi niya muna agad pina-embalsamo ang katawan ng anak dahil umaasa siya na baka mabuhay pa ito kaya naman kaninang madaling araw na lamang ito naipunta sa punerarya.
Wala naman umanong nababanggit ang kaniyang anak na mayroon itong karamdaman dahil physically fit naman umano siya dahil palagian ang kaniyang pagjo-jogging, pagbibisikleta at pagsswimming.
Giit nito na hindi niya alam na may lalahukang fun run ang kaniyang anak dahil wala naman umano siyang pinirmahang waiver.
Pabor naman aniya siya sa pagsasagawa ng mga ganoong klase ng aktibidad dahil nakatutulong ito sa mga bata ngunit hiling niya na sana ay tiyakin muna ng Pamunuan ng Unibersidad na fit ang mga estudyante na lumahok.