CAUAYAN CITY – Sinira ng Department of Trade and Industry (DTI) Isabela ang mahigit dalawandaang libong pisong halaga ng mga produktong ibinebenta sa merkado na hindi pumasa sa pagsusuri ng DTI.
Ginanap ang disposal ng uncertified products sa Alibagu, City of Ilagan ngayong araw kung saan lahat ng mga nakumpiskang gamit noong March, April, at August ay iprinisenta upang sirain.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Elmer Agorto, Chief Trade Industry Development Specialist ng DTI Isabela, sinabi niya na ang mga nakumpiskang mga produkto ay mula sa labinlimang mga establisyimento sa Isabela.
Umabot umano sa 2,712 na piraso ang nakumpiska pangunahin ang electrical appliances, gamit sa motor, at bumbilya na nagkakahalaga ng Php 216,129.
Ang nasabing pagkumpiska at pagsira sa mga kagamitan ay dumaan aniya sa matinding pagsusuri at dapat lang itong sirain upang hindi na maging sanhi pa ng disgrasya.
Nakaaalarma aniya dahil patuloy pa rin ang produksyon ng mga hindi aprobadong produkto dito sa lalawigan ng Isabela at tinatayang mas dumami pa ang bilang ng mga nakumpiska ngayon kung ikukumpara noong nakaraang taon.
Samantala, dagdag pa niya na bagaman nakumpiska na ang mga kagamitan ay pinapatawan pa rin ng penalty ang isang establisyimento na nagkakahalaga naman ng basic penalty na 25,000 pesos sa bawat item.