CAUAYAN CITY – Magpapakawala ng tubig mamayang alas nuebe ng umaga ang NIA-MARIIS para sa inaasahang pagtaas ng lebel ng tubig sa Magat Dam dahil sa mga pag-ulan sa watershed areas nito.
Sisimulan ng Dam and Reservoir Division (DRD) ang pre-release activity ng alas-9 ng umaga, kung saan unang mapapakawalan ang 181 cubic meter per second na tubig mula sa isang metrong iaangat sa isang spillway gate ng dam.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dam and Reservoir Division Manager Engr. Carlo Ablan, may posibilidad na may pagbabago sa pagrerelease dahil nakadepende sa dami ng rainfall forecast at aktwal naibabagsak na tubig-ulan sa Magat Watershed.
Ayon kay Engr. Ablan kailangan ang pagpapakawala ng tubig para mamantini ang ligtas na water level ng Magat Dam, at magkaroon din ng storage sa reservoir sa inaasahang pag-uulan sa susunod na linggo.
Base sa pinakahuling datos ng NIA-MARIIS, nasa 188.75 meters above sea level na ang antas ng tubig sa dam na ilang metro na lang ang layo mula sa 190 meters na spilling level nito.
Batay sa 8PM update ng NIA-MARIIS umabot sa 1334.08cms ang pumapasok na tubig sa magat reservoir.
Wala naman aniyang dapat ikabahala dahil ito ay hindi magdudulot ng kapasin-pansing pagtaas ng lebel ng mga ilog ng Magat at ilog Cagayan ngunit pinayuhan pa rin niya ang publiko na maging mapagmatyag sa magiging lebel ng tubig upang maiwasan ang anumang hindi kanais-nais na pangyayari.