--Ads--

CAUAYAN CITY – Naniniwala ang pamilya ng isa sa pinatay na negosyante sa San Manuel Isabela na negosyo ang motibo sa pagpatay sa kanilang kaanak.

Matatandaang nasawi ang dalawang lalaki matapos silang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa national highway ng Brgy. District 1, San Manuel, Isabela.

Ang mga biktima ay sina Lordwin Ganio at Christian Acierto na kapwa mga residente ng Brgy. San Andres, Cabatuan, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Grace Acierto, asawa ng biktimang si Christian Acierto, sinabi niya na maraming naiinggit sa kanyang asawa dahil malakas ang bentahan nito ng baboy sa nasabing bayan.

--Ads--

Bago pa man ang nangyaring pagpatay sa kanyang asawa ay mayroon umanong nagpost sa social media na may daya sa timbangan ng kanyang mister bagamat hindi nila direkta itong tinukoy ito bilang dahilan ng pagpatay.

Aniya sa ngayon ay wala pa silang matukoy na pinaghihinalaan ngunit hindi nila isinasantabi ang motibong patungkol sa negosyo ang dahilan ng pagpatay.

Samantala sa pakikipag-ugnayan naman ng Bombo Radyo Cauayan sa San Manuel Police Station, patuloy ang kanilang pagbacktrack sa mga CCTV cameras sa dinaanan ng suspek na nakahagip sa kanyang pagkakakilanlan.

Base sa kanilang pagsisiyasat, tumakas ang suspek patungo sa timog na direksyon partikular sa bahagi ng Aurora, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Beltran Velasco, sinabi niya na nagkataon lamang na sa kanilang bayan nangyari ang krimen dahil hindi naman residente rito ang biktima kaya maituturing itong isolated case lamang.