CAUAYAN CITY – Patuloy ang pagpapakawala ng National Integrated Administration – Magat River Integrated System (NIA-MARIIS) ng tubig sa Magat Dam.
Mula sa isang spillway gate na binuksan kahapon ng umaga na may isang metrong opening ay nagbukas sila ng isa pang gate na may dalawang metro na opening.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Gileu Michael Dimoloy, Department Manager ng NIA-MARIIS, sinabi niya na kinailangan nilang magdagdag ipapakawalang tubig dahil sa pagtaas ng inflow sa dam.
Umabot na kasi sa higit 1000 cubic meters per second ang average inflow sa dam at as of 5am ngayong araw ay nasa 190.46 meters above sea level na ang water elevation nito.
Bagama’t walang naranasan na pag-ulan sa lalawigan ng Isabela ay nakaranas naman ng pag-ulan ang mga karatig na lugar na nakakasakop sa bahagi ng Magat Water Shed.
Patuloy naman aniya ang ginagawa nilang monitoring sa lagay ng panahon dahil iniiiwasan nilang maabot ang normal high level na 193 meters above sea level.
Target naman nilang ibaba sa 185-186 meters above sea level ang kanilang water elevation upang mapaghandaan nila ang mga pag-ulang mararanasan sa magat water shed.