CAUAYAN CITY – Sinimulan na ngayong araw ang panghuhuli sa mga nagkalat at nagsulputang namamalimos na Badjao sa lungsod ng Cauayan matapos ma obserbahan ng lokal na pamahalaan ang patuloy na pagdami ng populasyon ng nasabing grupo.
Pababalikin ang mga ito sa Santiago City kung saan umano matatagpuan ang kanilang headquarters.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, sinabi niya na isang buwan na ang nakalipas nang ma obserbahan ng Public Order and Safety Division (POSD) ang patuloy na pagdami ng grupo na nakapalibot sa buong poblacion area.
Dahil papalapit na aniya ang pasko ay ginagawa nang negosyo ng mga ito ang pamamalimos kung saan umaabot pa sa punto na kinakatok ang pintuan ng mga sasakyan.
Ang naturang pamamaraan ng pamamalimos ay mapanganib umano lalo pa at ang mga sasakyan sa national highway ang puntirya nilang hingian ng pera.
Bukod sa iniiwasan lamang ng lokal na pamahalaan na masangkot sa aksidente ang mga namamalimos ay hindi rin talaga umano pabor ang pamahalaan na gawing negosyo ang pamamalimos.
Dahil dito, inaabisuhan ang mga residente na iwasang magbigay ng pera sa halip ay pagkain nalang.
Dati aniya ay nakahuli na rin sila at ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) mismo ang naghatid sa mga badjao sa Santiago City.