Dapat maging mataas ang standard o batayan ng mga botante sa pagpili ng iluluklok sa pwesto at hindi lang basta dumipende sa bare minimum na qualifications para sa mga kandidato.
Ito ang inihayag ng isang Political Analyst matapos maghain ng kandidatura ang ilang mga vloggers at ilang sikat na personalidad na wala namang alam sa pulitika.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Michael Henry Yusingco, Political Analyst at Constitutionalist, sinabi niya na bare minimum lamang kasi ang pamantayan para makapaghain ng kandidatura ang isang indibidwal.
Batay aniya sa nakasaad sa Saligang Batas, kabilang umano sa mga requirements para maging isang kandidato ang isang aspirant ay kinakailangang nasa tamang edad, Natural Born Filipino at kayang sumulat at bumasa.
Naiintindihan naman umano niya kung bakit bare minimum lamang ang requirements dahil ayaw nitong mag-discriminate ng sektor pangunahin na ang mga nasa marginalized sector.
Ngunit kinakailangan umanong maging matalino ang mga botante sa pagpili at siguruhing karapat-dapat ang mga iluluklok.