CAUAYAN CITY – Nabahala ang think tank na Ibon Foundation matapos na muling mapabilang ang Pilipinas sa mga bansang may pinakamaraming food insecure sa Southeast Asia mula 2021-2023.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Sonny Africa, Executive Director ng IBON Foundation, batay sa datos ng UN Food and Agriculture Organization, nasa 51 milyong Pilipino ang nakakaranas ng moderate o severe na food insecurity o mga nagugutom.
Pumapangatlo aniya ang Pilipinas sa Timor Leste at Cambodia kung saan kabuuang 44.1% ng populasyon nito ang nakakaranas ng gutom.
Aniya hirap ang nasabing populasyon na makabili ng sapat na pagkain sa pang araw-araw.
Aniya nakabase ang food insecurity sa presyo ng pagkain at kakayahan ng mga Pilipinong bumili ng kanilang pangangailangan o ang kanilang purchasing power.
Isa itong malaking suliranin sa bansa lalo na at hindi tinatanggap ng pamahalaan na may problema dahil ipinagmalaki pa ang mababang inflation rate.
Aniya hindi dahil mababa na ang inflation rate at may trabaho na ang mga dating walang trabaho ay bumaba na rin ang presyo ng pagkain at kaya na nilang bumili ng sapat na pagkain.
Ang kailangan aniya rito ay kung ano ang naitutulong ng pamahalaan sa distribusyon ng pagkain at pagbibigay ng dagdag na ayuda sa mga ordinaryong mamamayan.
Paunlarin din ang agrikultura sa bansa tulad ng pagdaragdag ng irigasyon, pagbibigay suporta sa mga magsasaka at pagbibigay ng bagong kaalaman sa kanila para makabagay sa nagbabagong panahon o climate change.