CAUAYAN CITY – Mas naghigpit ang pamahalaang lungsod ng Ilagan sa pagpasok ng mga baboy sa lungsod upang maiwasan ang pagkalat ng African Swine Fever.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Gerry Manguira, Market Supervisor ng New Ilagan Public Market, sinabi niya na nagdagdag ng tauhan ng pamahalaang lungsod sa mga entrance at exit points sa lungsod upang matiyak na hindi makapasok ang ASF.
Matatandaang muling nakakapagtala ang ilang bayan sa Isabela ng panibagong mga kaso ng ASF.
Aniya may mga nagbibiyahe pa rin naman ng baboy ngunit hinahanapan sila ng certificate mula sa sanitary office ng bayan kung saan sila galing.
Karamihan naman sa mga nagpapakatay sa slaughter house ay mga mula sa loob ng lungsod at walang galing sa ibang lugar.
Sa kanilang mahigpit na monitoring, wala pa naman silang nakumpiskang mga kontaminadong karne ng baboy kaya natitiyak nila na hindi pa nakakapasok sa lungsod ang ASF.
Hindi naman nila ramdam ang pagbaba ng suplay kahit walang pumapasok na baboy mula sa ibang lugar dahil maraming hograisers sa lungsod na nagsusuplay sa pamilihan.
Muli naman siyang nanawagan sa publiko na maging maingat at higpitan ang safety protocols patungkol sa ASF upang hindi makapasok sa kanilang lugar.