CAUAYAN CITY – Magsasagawa ng tree planting activity sa lungsod ng Cauayan ang mahigit isang daang subok-laya sa pitong munisipalidad sa lalawigan ng Isabela.
Isasagawa ang aktibidad sa ika-23 ng Oktubre, na inaasahang dadaluhan naman ng mga subok laya mula sa Cauayan, bayan ng Alicia, San Mateo, Cabatuan, Angadanan, San Guillermo, at Echague Isabela.
Ang naturang tree planting activity na isasagawa sa Brgy. Tagaran Cauayan City ay kaugnay pa rin sa selebrasyon ng National Correctional Consciousness Week.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Pedro Almeda Jr., ang Chief Probation and Parole Officer, sinabi niya na lahat naman ng subok-laya ay nakikiisa pa rin sa mga aktibidad.
Hindi man aniya inoobliga ang mga ito na makiisa ay inaasahan pa rin ang isang daang porsyentong attendance pagsapit ng selebrasyon.
Samantala, inaayos na rin ng Barangay Tagaran ang lugar kung saan isasagawa ang aktibidad upang makatiyak na ligtas ang mga magtutungo.
Gamit ang isang bulldozer ay gumawa ng panibagong daan ang pamunuan ng Tagaran upang magsilbing daanan ng mga makikiisa sa tree planting.