--Ads--

CAUAYAN CITY – Pinaalalahanan ng Public Order and Safety Division o POSD Cauayan City ang mga mananakay na maging mapagmatyag sa mga sinasakyang tricycle driver na namboboso gamit ang mga side mirror.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, sinabihan niya ang mga mananakay na huwag mahiyang kunan ng larawan ang mga body number ng mga nambobosong tricycle driver at ipabatid sa kanilang tanggapan.

Ito ay matapos ang ginawa ng isang tricycle driver na paglagay ng side mirror na nabobosohan ang mga pasaherong nakasakay sa loob ng kanyang tricycle.

Nakunan ito ng larawan at nai-post sa social media upang magbigay babala sa mga mananakay na maging maingat sa mga sinasakyang tricycle.

--Ads--

Ayon kay POSD Chief Mallillin mahigpit na ipinagbabawal ang ganitong gawain at mayroon nang ordinansa ang pamahalaang lungsod patungkol dito.

Kung may reklamo naman ay agad na inaaksyunan ng POSD at ipinagbibigay alam nila sa business and licensing office upang bigyang leksyon ang mga tricycle driver na gumagawa nito.

Maaring tanggalan ng prangkisa ang mga ito makakasuhan din dahil isa na itong criminal offense kapag napatunayan ang ginagawa nilang pamboboso sa pasahero.