--Ads--

CAUAYAN CITY – Full alert na ang Cauayan Airport Police Station sa pagtiyak sa siguridad ng mga byahero ngayong paparating na holiday season.

Nakakakumpiska naman ang mga kawani ng Aviation Security Unit 2 ng isang airgun at mga bala ng baril noong buwan ng Setyembre.

Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Eduard Caballero, ang hepe ng Aviation Security Unit 2 Cauayan Airport Police Station, sinabi niya na ito ang unang beses na nakapag kumpiska sila ng airgun.

Ang alam kasi umano ng lahat ay tanging mga baril na ginagamit lamang bilang armas ang ipinagbabawal.

--Ads--

Binigyang diin naman ng PNP Airport na isa na sa kanilang tinututukan ngayon ang pagbitbit na ng airgun kahit pa man bihira lamang ang gumagamit nito.

Malinaw kasi aniya sa RA 10591 o ang Firearms and Ammunition Law na mahigpit na ipinagbabawal ang pagbitbit ng baril sa paliparan dahil maaaring masampahan ng kaso ang sinumang lalabag dito.