Nagagalak ang isa sa mga tumutulong sa mga young tankers ng Pilipinas na lumalahok sa kompetisyon sa bahagi ng Japan na maraming Filipino Community ang nais tumulong para sa kanilang paglalaro sa nasabing bansa.
Ayon kay Bombo International News Correspondent Myles Briones Beltran, mula nang sumali ang Pilipinas sa mga swimming competitions sa Japan ay kabilang na siya sa mga nag-oorganize sa mga tumutulong sa mga kabataang nagbabandera sa watawat ng Pilipinas sa kanilang mga sinasalihang sporting events.
Sa katunayan, pitong mahuhusay na bagitong Pinoy tankers ang nakatakdang maglaro sa 2024 Buccaneer Invitational Swimming Championships na gaganapin sa Oct. 26 hanggang 27 sa St. Mary’s International School swimming pool sa Tokyo, Japan.
Aniya buo ang suporta nila sa mga Pinoy tankers na lalaban sa Japan kaya hanggat maari ay binibigyan nila ng sapat na tulong sa kanilang paglalaro tulad ng free transport at accommodation kung may mag-iisponsor sa kanila.
Sa dami aniya ng sinasalihang kompetisyon ng mga young tankers sa ibat ibang bansa ay hindi nila kayang sarilihin lamang ang budget lalo na sa transportasyon kaya sila nagbibigay ng tulong.
Aniya sa pagkakaalam niya ay walang ibinibigay ang pamahalaan kapag sumasali sila sa kompetisyon at kapag nakakuha lamang ng medalya nabibigyan ng pinanggalingan nilang lugar.
Ibat-ibang bansa naman ang makakalaban ng mga young tankers sa 2024 Buccaneer Invitational Swimming Championships kaya matinding paghahanda na ang kanilang ginagawa upang muling pagharian ang kompetisyon.