Ramdam na ang ulan at hanging dala ng bagyong Kristine sa ilang lugar sa Northern Luzon kaya nakaalerto na ang Philippine Coast Guard District Northeastern Luzon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Coast Guard Ensign Ryan Joe Arellano, Public Information Officer ng Coast Guard District Northeastern Luzon, sinabi niya na mula kagabi ay ramdam na ang ulan at may kalakasang hangin sa bahagi ng Cagayan habang sa Batanes ay maulan na rin ang panahon na epekto ng bagyong Kristine.
Sa kasalukuyan ay wala naman silang naitalang hindi kanais nais sa kanilang nasasakupan dahil wala nang mga mangingisdang nangahas na pumalaot sa karagatan dahil sa ipinatupad na no sail policy.
Nakadeploy na rin aniya ang kanilang mga personnel na magbabantay sa karagatang sakop ng mga PCG substations lalo na sa headquarters ng PCG Northeastern Luzon.
Nakahanda na ang kanilang mga kagamitan para sa rescue operations tulad ng mga truck at rubber boats maging ang mga communication equipment na kakailanganin sa operasyon.