CAUAYAN CITY- Nananatiling bukas ang isang spillway gate ng Magat dam na mayroong dalawang metrong opening.
Sa ngayon ay nasa 187.77 meters above sea level na ang water elevation ng Dam na mayroong 1, 822 cubic meters per second na inflow at Outflow na 838 cubic meters per second.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Carlo Ablan, Dam and Reservoir Division Manager ng National Irrigation Administration – Magat River Integrated Irigation System (NIA-MARIIS), sinabi niya na hangga’t patuloy ang pagtaas ng antas ng tubig sa Cagayan River sa may bahagi ng lalawigan ng Cagayan ay hindi sila magbubukas ng panibagong spillway gate.
Batay sa kanilang monitoring sa mga katubigang sakop ng Magat River ay hindi naman umano nagdulot ng pagbaha ang ginawa nilang pagpapakawala ng tubig sa mga nakalipas ng araw.
Tinututukan naman nila sa ngayon ang panibagong sama ng panahon na na-monitor sa labas ng Philippine Area of Responsibility.