--Ads--

CAUAYAN CITY – Hindi pa rin madaanan hanggang ngayon ang nasa labing siyam na kalsada at tatlumput tatlong tulay sa Region 2 dahil sa pananalasa ng bagyong Kristine.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Alvin Ayson, Information Officer ng Office of Civil Defense o OCD Region 2 sinabi niya na ang mga hindi pa rin madaanan sa ngayon ay mga local roads at local bridges na lamang dahil sa paghupa na ng tubig baha.

Ang Itawes Bridge sa Brgy. Sta. Barbara, Cagayan-Apayao Road sa Piat, Cagayan ay hindi pa rin passable at alternate route dito ay ang Aquib-Dugayung Bridge sa nasabi ring bayan.

Ang Junction Abbag-Nagtipunan-Nueva Vizcaya Road via Dupax sa La Conwap, Nagtipunan, Quirino ay hindi rin passable dahil sa mataas pa ring  lebel ng tubig.

--Ads--

Batay naman sa report ng DPWH nasa P46.7 milyon na ang tinatayang pinsala sa imprastraktura na kinabibilangan ng mga streetlights at nasirang kalsada.

Samantala nasa limang barangay din ang wala pa ring tustos ng kuryente bagamat ayon kay Ginoong Ayson patuloy naman ang isinasagawang restoration ng mga electric cooperative na nakakasakop sa mga ito.

Samantala nasa dalawamput walong bahay ang nasira sa Region 2 sa pananalasa ng bagyo kung saan labimpito rito ay mula sa Isabela habang sa Cagayan ay nasa limang bahay ang tuluyang nasira.

Nasa tatlong bahay naman ang nasira sa Nueva Vizcaya at tatlo rin sa lalawigan ng Quirino.

Aniya labing siyam sa mga  ito ang partially damaged at ang natitirang siyam ay totally damaged o tuluyang nasira sa pananalasa ng bagyo pangunahin sa pagbaha.