CAUAYAN CITY- Nararanasan ngayon sa pribadong pamilihan maging sa mga talipapa sa lungsod ng Cauayan ang bagsak na suplay ng mga panindang gulay.
Ito ay matapos maranasan ang hagupit ng bagyong Kristine kung saan lubhang naapektohan ang mga pananim .
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Geline Ferrer, vegetable vendor, sinabi niya na nitong kasagsagan umano ng bagyong Kristine ay naramdaman na ang hirap sa pag angkat ng mga paninda hindi lang dahil sa baba ng suplay kundi dahil na rin sa mga daan at tulay na hindi madaanan.
Dagdag pa niya, karamihan sa mga itinitinda nilang gulay ngayon ay mga paninda pa lamang nila noong kasagsagan ng bagyo.
Gayon pa man, napag-alaman naman aniya na dahil sa mababang suplay ay nagkaroon ng pagtaas sa presyo kung saan ay mayroong 20-30 pesos na taas sa mga baguio at baryo gulay.
Inaasahan pa aniya na mas lalong tataas pa ang presyo sa mga susunod na araw dahil maraming mga vendor ang mag-aagawan sa pag-angkat ng mga paninda.