--Ads--

CAUAYAN CITY – Stranded ang nasa 147 na turista sa Batanes dahil sa sama ng panahon na dala ng bagyong Leon.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PDRRM Officer Roldan Esdicul ng Batanes, sinabi niya na nananatili sa kani-kanilang mga hotels ang mga stranded na turista at palagian naman umano silang nakaantabay sa pangangailangan ng mga ito.

Sa ngayon ay kanselado ang biyahe sa paliparan at pantalan at maaari pa umano itong magtagal dahil sa bagyong Leon.

Samantala, nangangamba naman sila sa posibleng paglandfall ng bagyong Leon sa kanilang lalawigan.

--Ads--

Aniya, hindi pa sila tuluyang nakaka-recover sa iniwang pinsala ng nagdaang bagyong Julian kaya naman pinangangambahan nila ang panibagong bagyo.

Dahil dito ay nagsagawa na sila ng pre-disaster risk assessment at pinaaalalahanan na rin nila ang mga residente na itali ang mga bahay at maglagay ng trapangko sa mga bintana.

Posible rin umanong magsagawa sila ng preemptive evacuation dahil sa mga posibleng pagbaha at sa mga bahagyang napinsala ang mga bahay.