CAUAYAN CITY – Lumakas pa ang bagyong Leon habang tinatahak ang karagatan sa silangan ng Cagayan.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan mula sa PAGASA, huling namataan ang sentro ng Typhoon Leon sa layong 505 km silangan ng Tuguegarao City, Cagayan.
Taglay na nito ang lakas ng hanging aabot sa 150 km/h malapit sa gitna ng bagyo at pagbugsong aabot sa 185 km/h.
Mabagal itong umuusad sa bilis na 10 km/h pakanluran hilagangkanluran.
Nakataas na ang Tropical Cyclone Wind Signal Number 2 sa Batanes, Babuyan Islands, Cagayan, ang northern at eastern portions of Isabela partikular sa bayan ng Santo Tomas, Santa Maria, Quezon, San Mariano, Naguilian, Dinapigue, Delfin Albano, San Pablo, Ilagan City, Benito Soliven, Tumauini, Cabagan, Reina Mercedes, Palanan, Quirino, Divilacan, Gamu, Mallig, Maconacon, at bayan ng Burgos, ang lalawigan ng Apayao, ang northern portion ng Kalinga partikular sa City of Tabuk, Balbalan, Pinukpuk, at bayan ng Rizal, ang northern portion ng Abra partikular sa Tineg, Lacub, at Malibcong, at ang lalawigan ng Ilocos Norte.
Nakataas naman ang signal number 1 sa nalalabing bahagi ng Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, nalalabing bahagi ng Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Benguet, nalalabing bahagi ng Abra, Ilocos Sur, La Union, ang eastern portion ng Nueva Ecija partikular sa bayan ng General Tinio, Gabaldon, Bongabon, Carranglan, Pantabangan, Laur, at bayan ng Rizal, ang lalawigan ng Aurora, northern at eastern portion ng Quezon kabilang ang Polillo Islands, Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, Albay, at ang northern portion ng Sorsogon.
Asahan ang mga pag-ulan na may kasamang bugso ng hangin sa lambak ng Cagayan, Cordillera, at sa mga lalawigan ng Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Aurora, Nueva Ecija, Quezon, Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, at Sorsogon.
Inaasahan namang lalapit ang nasabing bagyo sa Batanes sa huwebes kung saan hindi rin inaalis ng PAGASA ang posibilidad na maglandfall ang bagyo sa naturang Island Province.
Batay sa pagtaya, posible ring lumakas ang bagyo sa Super Typhoon Category paglapit nito sa lalawigan ng Batanes.
Dahil dito ay hindi rin inaalis ng PAGASA ang posibilidad na itaas ang Tropical Cyclone Wind Signal Number 5 na pinaka mataas na babala sa isang bagyo.