CAUAYAN CITY – Naghigpit na ang pamunuan ng Isabela National High School matapos kumalat ang video ng isang Grade 9 student na nakapag-puslit ng baril sa loob ng paaralan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Schools Division Superintendent Dr. Eduard Constantino Escorpiso Jr. ng SDO Ilagan City, sinabi nila na hihigpitan na nila ang security at safety ng paaralan.
Anya, inaayos na nila ang mga CCTV cameras at ima-maximize na rin ang paggamit sa kanilang metal detector nang hindi na maulit pa ang katulad na isidente.
Dahil sa Kapulisan at Department of Social Welfare and Development ang may hawak ng kaso ay hindi pa umano nila nakakausap ang naturang estudyante kaya hindi pa nila matukoy sa ngayon kung papaano nito naipasok ang baril sa paaralan.
Bagama’t mahigpit naman ang kanilang security ay aminado naman sila na may mga pagkakataon na hindi nila ma-kontrol ang mga ganitong klase ng insidente dahil na rin sa dami ng mga estudyante.
Samantala, naisailalim naman na sa counseling ang kamag-aral ng naturang estudyante.
Maliban sa naturang paaralan ay pinahihigpitan na rin ni Dr Escorpiso ang seguridad sa lahat ng paaralan sa Lungsod ng Ilagan.