Inirereklamo ng ilang mga residente ng Barangay Sinippil dito sa Lunsod ang masangsang at mabahong amoy na nagmumula sa mga nakatiwangwang at naka tambak na mga patay sa baboy mula sa Rancho Oro.
Dahil dito ay magkakasa ng imbestigasyon ang Pamahalaang Lunsod ng Cauayan sa tunay na sanhi ng pagkamatay ng mga baboy sa Barangay Sinippil Cauayan City.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng City Veterinary Office, isa sa mga naging dahilan ng pagkamatay ng mga baboy ay ang pagkasira ng source ng tubig at ang pagkasira ng aircon.
Personal na ipinakita sa Bombo News Team ang certification na may petsa na September 27, 2024, ay nagkaroon ng blood collection ang piggery at nag negatibo naman sa African Swine Fever ang mga alagang baboy.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, sinabi niya na agad silang nakipag-ugnayan sa City Veterinary Office at sa Sanidad upang suriin ang sanhi ng pagkamatay ng mga baboy.
Hindi aniya ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng problema sa piggery gayonpaman ay naaaksyonan naman umano ito.
Sa ngayon ay inisyal na imbestigasyon pa lamang aniya ang kanilang nakukuhang impormasyon base sa kanilang pakikipag-ugnayan sa farm manager dahil sa ngayon ay mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagpasok ng mga hindi authorized na indibidwal sa lugar.
Base kasi aniya sa bio security ng piggery, bawal ang labas pasok sa lugar kung saan kinakailangan pa na mag quarantine ang isang indibidwal upang makapag inspeksyon sa loob.
Sa ngayon, nirerekomenda naman aniya sa mga doktor ng City Veterinary Office na mag quarantine sila ng dalawang araw sa lugar upang tuluyang makapag inspeksyon muli.
Ayon naman kay Kap. Rubyline Sagun, ang punong barangay ng Barangay Sinippil, wala naman aniya silang problema kung anong sakit ng mga baboy,mas ikinababahala nila ang masamang epekto ng mga nakatiwangwang at masangsang na amoy mula sa mga patay na baboy sa kalusugan ng mga residente.
Unang tinalakay ang naturang uspain sa ginawa niolang assembly meeting kaya agad silang naipag usap sa manager ng piggery subalit makalipas ang ilang mga araw ay wala paring tugon ang pamunuan ng rancho kaya idinulog na nila ito sa Pamahalaang Lokal.