CAUAYAN CITY – Naka-blue alert status na ang Bureau of Fire Protection o BFP City of Ilagan kaugnay sa paggunita ng Undas ngayong taon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay City Fire Marshall Fire Chief Inspector Franklin Tabingo ng City of Ilagan Fire Station sinabi niya na nasimulan na nila ang deployment ng mga personnel sa mga sementeryo sa lungsod.
Ito ay sa pamamagitan ng implementasyon ng Oplan Kaluluwa 2024 na isang komprehensibong inisyatiba ng BFP para sa kaligtasan ng publiko sa paggunita ng All Saints at All Souls’ Day pangunahin na ang mga magtutungo sa sementeryo.
Aniya nagkaroon ng deployment sa mga strategic areas tulad ng mga pangunahing lansang patungong sementeryo upang matiyak ang traffic management, crowd control at pagbibigay seguridad sa mga bumibisitang pamilya sa mga namayapa nilang mahal sa buhay.
Isa sa pangunahing sementeryo na kanilang tinututukan ay ang public cemetery sa Brgy. Bliss, San Felipe at San Vicente maging chinese cemetery sa malapit sa poblasyon.
Tututukan din nila ang sementeryo sa Brgy. San Antonio at Sta. Isabel at iba pang sementeryo sa northeastern portion ng lungsod ng Ilagan.
Nanawagan naman siya sa mga bibisita sa mga sementeryo na huwag nang magdala ng mga ipinagbabawal na gamit upang hindi magkaroon ng aberya ang kanilang tahimik na pagbisita sa kanilang namayapang mahal sa buhay.