--Ads--

CAUAYAN CITY – Kulong ang sampung indibidwal dahil sa iligal na pamumutol ng punong kahoy sa Barangay Baretbet, Bagabag, Nueva Vizcaya.

Pito mula sa mga suspek ang mula sa bayan ng Villeverde, dalawa ang mula sa Quezon at isa naman ay residente ng Bagabag.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Novalyn Aggasid, Public Information Officer ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office, sinabi niya na isang concerned citizen ang nag-ulat ng pangayayari sa Bagabag Police Station na agad namang nirespondehan ng kapulisan.

Nadatnan naman ng mga awtoridad sa lugar ang mga suspek na kasalukuyan ang pag-chainsaw sa mga punong kahoy.

--Ads--

Agad namang hinanapan ng permit ang mga ito at mayroon naman silang naipakita na permit mula sa Department of Environment and Natural Resources ngunit 18 na mahogany at 59 na Gmelina lamang ang pinahintulot na putulin ng mga ito.

Nang inspeksyunin kasi ng kapulisan ang mga naputol na nilang kahoy ay mayroon silang mga punong kahoy na pinutol na hindi naman nakapaloob sa kanilang permit.

Aniya, ang lote kung saan sila pumutol ng kahoy ay pagmamay-ari ng isang negosyante na may Lumber at doon sana nila isusuplay ang mga troso.

Dahil dito ay paiigtingin na nila ang kanilang monitoring at information dissemination sa upang magpalaganap ng kamalayan sa publiko hinggil sa epekto ng Illegal Logging sa kalikasan .