CAUAYAN CITY- Nasangkot sa aksidente ang ambulansya na kukuha sana ng dugo sa Lunsod ng Tuguegarao sa Barangay Lanna, Tumauini, Isabela.
Sangkot sa aksidente ang ambulansya ng LGU Gamu at SUV makaraang masangkot sa aksidente sa kahabaan ng National Highway sa nasabing lugar.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan kay PCpt. Federico Tulay Jr., Deputy Chief of Police ng Tumauini Police Station, lumalabas aniya sa imbestigasyon na binabaybay ng dalawang sasakyan ang parehong direksyon patungong North Bound partikular sa Tuguegarao, City kung saan ang SUV ay nasa unahan habang nasa likuran naman nito ang ambulansya ng LGU Gamu.
Nang makarating sa pinangyarihan ng insidente ay bigla na lamang umanong nawalan ng kontrol ang ambulansya na dahilan ng pagkakabangga nito sa kaliwang bahagi ng harapan ng SUV.
Dahil dito, nahulog sa damuhan ang ambulansya habang pumagilid naman sa outer lane ang SUV.
Maswerte umanong naitaon na walang lulan na pasyente ang ambulansya at hindi rin nasugatan ang tsuper ng dalawang sasakyan.
Aminado naman umano ang tsuper ng ambulansya na loss of control ang nangyari dahil sa dulas ng daan na dulot ng naranasang pag-ulan.
Kaugnay nito, nagkaroon na lamang umano ng pag-uusap ang dalawang panig kaugnay sa pagpapaayos ng pinsala ng mga sasakyan.
Paalala naman ni Deputy Chief, ugaliing kontrolado lamang ang pagmamaneho lalo na tuwing madulas ang daan.