Pansamantalang gagamit ng blended learning ang mga paaralan sa Cauayan City matapos na suspindehin ang pasok ng mga mag-aaral dahil sa bagyong Marce.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Information Officer Gemma Bala ng Schools Division Office o SDO Cauayan City, sinabi niya na may ugnayan pa rin naman ang mga guro at estudyante para sa kanilang aralin kahit susendido na ang pasok sa paaralan.
Gumagamit na aniya sila ng blended learning at may mga learning materials na ibinigay ang mga paaralan sa mga mag-aaral.
Pwede ring gumamit muna ng videos o paggamit ng zoom para sa kanilang online classes dipende sa magiging plano ng bawat guro sa kanilang klase.
Upang matiyak na may pag-aaral pa ring ginagawa ang mga estudyante ay patuloy ang monitoring ng SDO sa mga guro na nagpapasa naman ng kanilang mga ginawang adjustment sa pagtuturo ngayong may bagyo.
Pinaalalahanan naman niya ang mga magulang na gabayan ang mga anak sa pag-aaral at laging imonitor ang mga ito kung ginagawa nila ang kanilang aralin ngayong wala silang face to face classes.