CAUAYAN CITY – Umabot na sa mahigit dalawang libong mga pamilya ang inilikas sa Lalawigan ng Isabela, Cagayan, Nueva Vizcaya at Quirino dahil sa Bagyong Nika.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mia Carbonel ang tagapagsalita ng OCD Region 2 sinabi niya na batay sa kanilang datos, may mga pre-emptive at forced evacuated families mula Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya at Quirino.
Sa kabuuan ay nakapagtala sila ng higit dalawang libong mga evacuated families o 7,000 katao mula sa mga flash flood and land slide prone areas.
Sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Lucia Alan ng DSWD Region 2 sinabi niya na nasa 528 pamilya o 1,641 na indibidwal ang inilikas sa Isabela, 25 pamilya o 79 indibidwal mula sa apat na barangay ng Cagayan at 125 o 387 katao ang inilikas sa Quirino.
Aniya mula kahapon ay nasa 635 pamilya o 1,948 na indibidwal ang nananatili sa mga evacuation center sa rehiyon habang ang iba ay nakituloy muna sa kanilang mga kapitbahay o kamag-anak.
Tiniyak naman niya na nakaprepositioned na ang mga family food packs at nonfood items sa mga LGUs kaya may maipapamahagi sa mga apektadong residente.
Samantala, sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Sheena Tan sinabi niya na kasalukuyan ang deployment ng team na naitalaga para sa clearing operation para sa mga natumbang poste at punong kahoy.
19 mula sa 37 Barangays ang nakapagtala ng evacuees habang may ilang stranded pa rin sa kanilang mga bahay.
81 hectares din ng standing crops ang inaasahan nilang nasira habang limang daang residente naman ang nasiraan ng bahay sa pananalasa ng Bagyong Nika.
Nanatili namang normal ang water elevation ng tubig sa Ilog sa Barangay Buenavista gayunman ay naghanda ng maaga ang mga residente para hindi na muling abutin ng pagbaha.
Puntirya ngayon ng LGU Santiago na magbigay ng temporary shelter sa mga residenteng nasiraan ng bahay para magkaroon ng pansamantalang silungan.