CAUAYAN CITY – Nagsimula nang magpakawala ng tubig sa Magat Dam ang National Irrigation Administration – Magat River Integrated Irrigation System simula kahapon dahil sa mga pag-ulang dala ng bagyong Nika.
Nagpatupad naman sila ng dagdag na pagbubukas ng spillway gate na isang metro kaninang alas 7:00 ng umaga upang mapanatili ang ligtas na antas ng tubig sa dam.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Michael Dimoloy, Department Manager ng NIA-MARIIS, sinabi niya na nagbukas sila ng isang spillway gate na may isang metrong opening upang masiguro na nasa safe level pa rin ang antas ng tubig sa Dam.
Nakapagtala ang NIA-MARIIS Dam and Reservoir Division ng pagtaas ng water inflow sa Magat Reservoir na umabot sa 4,194 cubic meters per second (cms), at inaasahang maaari pa itong tumaas dahil sa patuloy na pag-ulan na dala ng bagyong Nika.
Kagabi ay umakyat na ang dam elevation sa 184.46 meters above sea level (masl), na 8.81 meters na lamang ang pagitan mula sa normal high water level.
Aniya, kinakailangan nilang panatilihin ang mababang antas ng tubig dahil pinaghahandaan din nila sa ngayon ang panibagong sama ng panahon na nasa labas ng Philippine Area of Responsibility.