--Ads--

CAUAYAN CITY – Nagpapatuloy ang restorasyon ng Isabela Electric Cooperative o ISELCO 1 sa mga natumba at tumagilid na mga poste ng kuryente sa kanilang nasasakupan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Roger Jose ng ISELCO 1 sinabi niya na sa nakalipas na magdamag ay tuluy-tuloy ang kanilang mga line men sa pag-aayos sa mga linya ng kuryente na naapektuhan sa pananalasa ng bagyong Nika.

Pangunahin nilang tinututukan ang bayan ng Alicia na nakapagtala ng maraming pinsala sa linya ng kuryente pangunahin na ang mga poste na tumagilid.

Tulung-tulong aniya ang kanilang mga crew mula sa main office at branches ng ISELCO 1 sa pagkumpuni sa linya ng kuryente upang tuluyan nang maibalik ang tustos ng kuryente sa mga member consumer.

--Ads--

Aniya halos 100% ng mga nasasakupan ng ISELCO 1 ay nawalan ng tustos ng kuryente dahil unang nawalan ng tustos ang NGCP na hinihintay pa nila ang abiso para sa restorasyon.

Tiniyak ni Engr. Jose na minimal lamang ang naging epekto ng bagyong Nika sa linya ng kuryente kaya mas mabilis ang pagrestore sa mga ito.

Hindi naman nila matiyak kung kailan tuluyang matatapos ang restorasyon pangunahin na sa Cauayan City, Angadanan, Cabatuan, Luna, Santiago City, Cordon, San Agustin, San Guillermo, Alicia,San Isidro, San Mateo at Jones, Isabela.