--Ads--

CAUAYAN CITY – Darating na ngayong araw ang mga augmentation mula sa anim na electric cooperatives sa Hilagang Luzon upang tumulong sa pagpapanumbalik ng tustos ng kuryente sa nasasakupan ng Isabela Electric Cooperative o ISELCO 1 na lubhang naapektohan ng bagyong Nika.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Teodorico Dumlao Jr., Technical Services Department Head ng ISELCO 1, sinabi niya na nasa tatlumpong bahagdan pa lamang ang kanilang napapailawan sa nasasakupan ng kanilang tanggapan.

Anya, nasa 144 barangays palang ang kanilang napapailawan mula sa kabuuang bilang 484 barangays.

Karamihan anya sa mga napailawan na ang mga nasa backbone lines ng ISELCO 1 o mga linya patungo sa mga ibat-ibang bayan habang isusunod naman nila ang mga papasok sa mga barangay.

--Ads--

Isa naman sa hamon sa kanilang pagkukumpuni ay ang mga hindi madaanang tulay sa lalawigan dahil sa nanatiling mataas ang antas ng tubig sa Cagayan River.

Maliban rito ay kinakailangan din nilang tiyaking walang mga service drop wires ang nagkaroon ng pinsala upang maiwasan ang mga hindi kanais-nais na pangyayari lalo na sa mga papailawang kabahayan.

Kasabay naman ng pagdating ng mga pinadala ng iba pang electric cooperatives ay inaasahang mas mapapabilis na ang kanilang power restoration.

Puntirya naman nilang maibalik ang tustos ng kuryente sa 90 percent ng nasasakupan ng ISELCO 1 ngayong linggo.