--Ads--

CAUAYAN CITY – Umabot na sa walumpong libong pamilya ang apektado sa magkasunod na pananalasa ng bagyong Nika at Ofel sa lambak ng Cagayan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Lucia Alan ng DSWD Region 2, sinabi niya na batay sa kanilang monitoring, umabot na sa 80,102 na pamilya o kabuuang 297,454 na indibidwal ang naapektuhan ng dalawang bagyo.

Pinakamarami dito ay mula sa Isabela na 45,661 na pamilya na sinundan ng Cagayan na may 31,504 habang ang Quirino ay may 2,287, Nueva Vizcaya na may 665 at ang Batanes na may limang pamilyang apektado.

13,602 na pamilya o 40,900 na indibidwal ang nananatili pa rin sa mga evacuation centers kung saan pinakamarami ay mula sa Cagayan na may 11,249 na pamilya at sa Isabela ay may 2,351 habang sa Batanes ay may dalawang pamilya.

--Ads--

9,844 na pamilya naman ang nakituloy pansamantala sa mga kakilala o kamag-anak.

5,665 namang bahay ang nasira sa pananalasa ng bagyo kung saan 296 ang totally damaged at 5,369 na partially damaged kung saan ang pinakamarami ay mula sa Isabela na may 273.

Samantala umabot na sa P24,672,272 ang naipamahaging tulong ng DSWD Region 2 na kinabibilangan ng mga family food packs, bottled water, non food items tulad ng mga hygiene at sleeping kits.

Nagbigay din sila ng tulong sa pamilya ng isang indibidwal na nalunod sa Baggao, Cagayan.

Humingi naman siya ng paumanhin sa ilang mga apektadong pamilya sa mga malalayong lugar na hindi pa nakakatanggap ng relief dahil nagkaroon lamang ng kaunting aberya sa pagdedeliver dahil sa pananalasa ng bagyo.

Tiniyak ni Regional Director Alan na tuluy-tuloy ang kanilang relief operation lalo na at parating na rin ang hiningi nilang augmentation support mula sa DSWD Central Office.