--Ads--

Naging matagumpay ang isinagawang nationwide blood donation campaign na Dugong Bombo 2024. Isinagawa ito sa 22 cities sa bansa kung saan nahigitan ang inaasahang bilang  matapos makakolekta ng blood donations mula sa magigiting na 4,451 donors at may kabuuang 2,002,950cc o katumbas ng 2,002,950 liters o 529.12 gallons ng dugo ang nalikom.

Katumbas ito ng sampung drum ng dugo.

Ang orihinal na plano ay isasagawa sa 24 cities ngunit ipinagpaliban muna ang aktibidad sa Naga at Legazpi City dahil sa bagyo at ito ay na-reschedule sa November 23, 2024.

Ang inisyatiba ay inorganisa ng Bombo Radyo Philippines Foundation Inc. At sa pakikipagtulungan ng Philippine Red Cross at sa suporta na rin ng mga local at national sponsors, gayundin ang hindi natitinag na adhikain ng mga tagapakinig at volunteers ng Bombo Radyo sa buong bansa na makatulong sa mga nangangailangan ng dugo.

--Ads--

Patuloy na kinikilala ng Philippine Red Cross ang Bombo Radyo Philippines bilang nangungunang organisasyon sa bansa sa sabay sabay na pagkolekta ng pinakamaraming bilang ng blood units sa isang araw.

Itinatampok ng pagkilalang ito ang kritikal na papel ng Dugong Bombo sa pagtugon sa kakulangan sa suplay ng dugo sa Pilipinas, partikular sa panahon ng paglaganap ng sakit na dengue at ang karaniwang kakulangan sa dugo sa mga buwan ng Nobyembre at Disyembre.

Iniaalay ng Bombo Radyo Philippines ang tagumpay na ito sa libu-libong donor ng dugo sa kanilang hindi matatawarang kontribusyon at patuloy na nagliligtas ng mga buhay.

Dahil sa kanilang kabutihang-loob natitiyak ngayon sa mga ospital at healthcare facilities sa buong bansa na makakatugon sa patuloy na tumatataas na pangangailangan sa dugo para magligtas ng buhay ng mga nangangailangan.

Bilang pasasalamat, lahat ng mga successful blood donors ay nakatanggap ng LIBRENG miryenda, at fluid replacements at special Dugong Bombo 2024 T-shirt bilang token sa kanilang pakikilahok.

Sa kabila ng mga hamon, ang Dugong Bombo 2024 ay isang MALINAW na halimbawa ng sama-samang diwa ng bayanihan, na nagpapakita kung paano nagsasama-sama ang mga komunidad sa buong bansa upang MATIYAK ANG SAPAT NA IMBAK NG DUGO AT mapagyaman ang pagkakaisa, at mapalaganap ang PAGDADAMAYAN at pag-asa.