--Ads--

Nanawagan ang punong bayan ng Dinapigue Isabela sa pambansang pamahalaan dahil nagkukulang na ang mga family food packs na kailangan ng mga residenteng apektado ng bagyo.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Vicente Mendoza ng Dinapigue Isabela, sinabi niya na patuloy ang kanilang paghahanda sa magiging epekto ng bagyong Pepito lalo na sa idudulot na storm surge.

Aniya nagdeklara na sila ng state of calamity upang magamit ang kanilang quick response fund ngunit maaring kukulangin pa rin ito kaya humingi sila ng augmentation support sa mga ahensya ng pamahalaan upang may maibigay na relief packs sa mga apektadong residente.

Pangunahing apektado ang mga residenteng nakatira malapit sa coastal areas dahil sa inaasahang storm surge na dala ng bagyong Pepito.

--Ads--

Pangunahing tinututukan nila ang Brgy. Digumased at Dimaluade na nasa mababang lugar at naa-isolate kapag tumaas ang lebel ng tubig sa ilog.

Aniya ang mga ibinigay ng family food packs ng DSWD ay sapat lamang para sa mga evacuees kaya kulang talaga ang tulong sa ibang hindi lumikas ngunit apektado pa rin ng bagyo.

Pinaalalahanan naman niya ang mga residente na maging mapagmatyag sa panahon at sumunod sa abiso ng paglikas kung lumakas na ang epekto ng bagyong Pepito.