Tiniyak ng NFA Region 2 na sapat ang suplay ng bigas sa kanilang mga bodega matapos ang pananalasa ng mga bagyo sa rehiyon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Rhic Ryan Fabian, Public Information Officer ng NFA Region 2 sinabi niya na kasalukuyan na ang milling o paggiling sa mga palay na nabili ng ahensya noong summer season.
Araw-araw aniyang may delivery ng bigas mula sa kanilang private millers na kanilang nirerelease para magamit sa ipinapamahaging ayuda ng DSWD sa mga apektadong mamamayan sa pananalasa ng bagyo.
Nasa tatlo hanggang limang 10-wheeler trucks ng bigas ang naidedeliver ng NFA Region 2 sa DSWD kada araw.
Sa kabila ng araw-araw na nababawasan ang kanilang stock ay tiniyak niyang sapat ang suplay ng bigas sa rehiyon dahil lumampas sila sa target na bilang ng procurement ng palay at bigas sa nakaraang anihan.
Tuluy-tuloy pa rin naman ang kanilang pagbili ng palay dahil may mga farmers pa ring nagtutungo sa kanilang bodega para magbenta ng bigas.
Sa ngayon ang dry na palay ay 25 pesos habang ang wet o hindi pa naibilad ay nasa 23 pesos ang pagbili ng NFA na mas mataas ng kaunti sa mga private traders.