--Ads--

CAUAYAN CITY – Nasawi ang pitong katao kabilang ang isang walong taong gulang na bata sa naganap na landslide sa Ambaguio, Nueva Vizcaya sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Pepito.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj Elmo Lorenzo, Chief of Police ng Ambaguio Police Station sinabi niya na ang mga biktima ay ang Pamilya Celo na nakatira sa gilid ng isang bundok sa Sitio Hukhukyong, Brgy. Labang, Ambaguio, Nueva Vizcaya.

Kabilang sa mga binawian ng buhay ang isang 8-taong gulang na bata at limang iba pa na nasa edad 12 hanggang 18 habang sugatan naman ang tatlong iba pa kabilang ang padre de pamilya na isa ring Kagawad, maybahay nito at ang apat na taong gulang nilang anak.

Ayon kay PMaj. Lorenzo, inabisuhan na ang mga biktima na lumikas ngunit nagpakampante ang pamilya dahil inakala nilang nasa ligtas na lugar ang kanilang bahay at hindi na sila lumikas pa.

--Ads--

Aniya saturated na ang lupa naging dahilan ng pagguho at pagdagan sa kanilang bahay kung saan natutulog ang pamilya.

Hindi naman sa mismong bahay gumuho ang lupa kundi dumausdos lamang mula sa itaas na bahagi ng bundok kung saan dumaan din ito sa kalsada na nasa itaas ng bahay na yari sa pinaghalong semento, kahoy at yero.

Pahirapan naman ang pag-access sa lugar kung saan nangyari ang landslide dahil mula poblacion ay nasa labing limang minuto ang byahe.

May mahigit dalawang oras pa na kailangang lakarin bago marating ang lugar dahil sa mga landslide sa kalsada na dadaanan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay MDRRM Officer Kevin Mariano ng Ambaguio Nueva Vizcaya sinabi niya na maraming naganap na landslide papasok sa nasabing barangay kaya bahagya silang natagalan sa rescue operation.

Dahil dito ay nagtulung-tulong na lamang ang mga kapitbahay ng mga biktima upang maretrieve ang mga bangkay sa gumuhong lupa hanggang makarating ang mga rescuers at madala sa Region 2 Trauma and Medical Center ang mga nasugatan.

Papasok pa lamang aniya sa sitio ay nasa apat na landslide na ang madadaanan at hindi na mapasok ng sasakyan.

Umaasa naman sila na maging aral na ito sa mga residente na huwag ipagsawalang bahala ang mga abisong preemptive evacuation ng mga otoridad upang maiwasan na ang mga trahedya tuwing may kalamidad.

Bukas ay ililibing na ang mga labi ng mga nasawing biktima at tiniyak na ng DSWD ang ibibigay na tulong sa mga naiwang pamilya.