CAUAYAN CITY – Paiigtingin ng Pamahalaang panlalawigan ng Isabela ang Dredging Program bilang tugon sa mga pagbaha na dulot ng mga kalamidad.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Spokesperson Exiquiel Quilang ng PDRRMC Isabela, sinabi niya na umabot sa 11,745 na Pamilya o 35,692 na individuals ang nailikas sa buong Lalawigan ng Isabela dahil sa malawakang pagbaha dulot ng Bagyong Pepito.
Mula kahapon ng tanghali ay nanatiling bukas ang 136 evacuation centers sa buong Isabela kung saan nanatili ang nasa 2,300 na pamilya o katumbas ng 7,298 na katao.
Naitala naman ang 9,245 na pamilya o 28,294 na katao na nananatili sa labas ng evacuation center o pansamanatalang nakikisilong sa kanilang mga kaanak.
Inaasahang madadagdagan pa ang naturang bilang matapos na tumulak ang DART 831 sa mga low lying areas o flood prone areas para tignan ang sitwasyon ng mga residente at mailikas ang mga kinakailangang mailikas.
Pinaka marami sa inilikas ay mula sa City of ilagan na may 31,950 na katao o 7,301 na pamilya na sinundan ng Cauayan City na may 2,465 na katao o 783 na Pamilya, Benito Soliven na may 944 na Pamilya o 2,703 na katao.
Samantala naging malaking tulong ngayon para sa Lalawigan ng Isabela ang ginagawang Dredging ng Provincial Government sa mga water tributaries ng Cagayan River kaya hindi na muling naranasan ang malawak na pinsala ng pagbaha kumpara noong Bagyong Ulysses.
Ang layunin ng Dredging Program ng Pamahalaang Panlalawigan na mapalawak at mapalalim ang mga ilog at sapa upang mapataas ang kapasidad nito lalo na sa panahon ng malalakas na bagyo o malalakas na pag-ulan.
Maliban sa dredging ay tinututukan ngayon ng Provincial Government ang pagpapatayo ng karagdagang Sabo Dams sa tributaries ng Cagayan River bilang flood control maging ang pagpapataas sa mga tulay bilang tugon sa pagbaha.
Kaugnay nito may kabuuang 9,932 stockpiles ng family food packs ang mga sub-offices ng DSWD Region 2 sa Cauayan City, Ilagan City at Santiago City maliban pa sa standby family food packs sa Provincial Social Welfare Development Office na 11,296.
Sa ngayon nakipag-ugnayan na ang Pamahalaang Panlalawigan sa OCD Region 2 at Tactical Operations Group 2 para sa paghahatid ng tulong o food packs sa mga Coastal Towns partikular sa Palanan, Dinapigue, Maconacon, at Divilacan.