CAUAYAN CITY – Nasa proseso na umano ng pagdedeklara ng state of calamity ang bayan ng Tumauini dahil sa malawakang pagbaha sa lugar.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Venus Bautista ng Tumauini, Isabela, sinabi niya nasa 22 Barangay ang nakararanas ng pagbaha sa bayan ng Tumauini matapos manalasa ang Super Typhoon Pepito sa lalawigan ng Isabela.
Isolated pa rin sa ngayon ang anim na Barangay kung saan motorboat lamang ang maaaring gamitin para maabot ang naturang mga lugar.
Aabot naman sa 175 pamilya ang apektado sa Sitio Pantalan, Barangay Moldero ngunit iilan lamang ang nagtungo sa evacuation Center dahil may second floor naman ang maraming bahay sa nasabing lugar.
Nagsibalikan naman na ang ilang mga evacuees sa kani-kanilang bahay pangunahin na ang mga nasa lugar na humuhupa na ang baha.
Inihahanda naman na nila ang mga family food packs na ipapamahagi sa kabuuang 26,000 pamilya sa bayan ng Tumauini nabaha man o hindi.