CAUAYAN CITY- Nasunugan ang isang pamilya sa Sto. Tomas, Isabela habang lubog sa baha ang kanilang bahay dahil sa bagyong Pepito.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Rosmito Gannad, may-ari ng nasunog na bahay, sinabi niya na abala siya sa pagtulong sa kanilang kapit-bahay na nabaha rin nang makita nito ang pangalawang palapag ng kanilang bahay na tinutupok na ng apoy.
Aniya, maaaring natumba ang sinindihan nilang kandila malapit sa isang plastic cabinet na naging sanhi ng sunog.
Wala na umano siyang nagawa kundi ang maiyak na lamang nang makita nitong nasusunog na ang kanilang bahay.
Hindi na umano siya nagtangka pang pasukin ito dahil lubhang delikado ngunit nagawa naman umanong maapula ng kanilang mga kapit-bahay ang apoy.
Wala umano silang nailigtas na gamit dahil nasunog lahat ang kanilang kagamitan na noo’y nasa ikalawang palapag lahat dahil lubog sa baha ang unang palapag ng kanilang bahay.
Gayunpaman ay ipinagpapasalamat na lamang niya na walang nasaktan sa kanila.
Nanawagan naman siya sa lahat ng gustong magpaabot ng tulong sa kanilang pamilya.