--Ads--

CAUAYAN CITY- Nasunog ang bahagi ng isang residential house sa District 1 Cauayan City dahil sa napabayaang nakasinding kandila.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay SFO2 Trinidad Arroyo, Chief Operations ng BFP Cauayan, sinabi niya na hindi ito ang unang pagkakataon na nakapagtala ng sunog sa Cauayan dahil sa nakasinding kandila.

Ilang araw na rin kasi aniya na brownout ang ilang barangay kaya tanging ang mga kandila nalang ang nagbibigay liwanag sa ilang kabahayan.

Noong bagyong Nika at bagyong Pepito ay nakapagtala ang BFP ng sunog sa magkahiwalay na lugar ngunit agad naman itong naapula.

--Ads--

Laking pasasalamat naman ng ahensya dahil ang huling naitalang sunog ay hindi na lumala dahil agad na napansin ng mga residente ang lumalaking apoy at agad itong naireport sa kanila.

Ayon pa kay SFO2 Trinidad, tanging bahagi lamang ng kwarto ang nasunog dahil sa kandila.

Patuloy pa ring nagpapaalala ang Bureau of Fire Protection na ingatan at bantayan ang mga nakasinding kandila lalo na ngayong hindi pa naibabalik ang tustos ng kuryente sa ilang barangay sa Cauayan.

Ang mga nakasinding kandila ay dapat na ilagay sa baso at dapat umanong ilayo sa mga kurtina upang maiwasan ang sunog.