CAUAYAN CITY – Nahatiran na ng tulong ng Department of Social Welfare and Development o DSWD Region 2 ang pamilya ng mga biktima ng Landslide sa Ambaguio, Nueva Vizcaya.
Matatandaan na nasawi ang pitong katao kabilang ang isang walong taong gulang na bata sa naganap na landslide sa Sitio Hukhukyong, Brgy. Labang, Ambaguio, Nueva Vizcaya sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Pepito.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Lucia Alan ng DSWD Region 2, sinabi niya nagbigay sila ng paunang financial assistance sa naulilang pamilya na nagkakahalaga ng 40,000 pesos para sa kanilang pangangailangan na mula sa Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS).
Sumailalim na rin aniya sa stress debriefing ang pamilya sa mga nasawi sa nasabing insidente.
Ayon kay Director Alan, inaasikaso na rin ng kanilang tanggapan ang karagdagang Burial Assistance na ipagkakaloob sa pamilya ng mga biktima.