--Ads--

CAUAYAN CITY – Nangangamba ngayon ang mga undocumented Filipinos sa Estados Unidos sa posibleng mass deportation sa mga illegal immigrants sa kasabay ng pag-upo ni President-elect Donald Trump.

Una nang sinabi ni Trump na magsasagawa ito ng mass deportation sa lahat ng mga illegal immigrants sa Estados Unidos at handa umano siyang gamitin ang militar para maisakatuparan ito.

Inihayag ni Bombo International News Correspondent Jon Melegrito na mula sa higit apat na milyong Pilipino na nasa Estados Unidos ay 300,000 sa kanila ang undocumented at nangangambang sila ang unahing ideport.

Anya, pang-anim kasi ang mga Pilipino sa pinaka maraming illegal immigrants sa Estados Unidos kung saan nangunguna rito ang India.

--Ads--

Una nang pinayuhan ni Philippine Ambassador to the United States of America Jose Manuel Romualdez ang mga pilipino na ilegal na naninirahan sa US na bumalik na sa Pilipinas habang hindi pa umuupo sa pwesto si Trump.

Ito ay upang hindi sila mahirapan sakaling naisin nilang bumalik sa nasabing bansa kalaunan.

Ayon kay Melegrito, marami ang sumusuporta kay Trump sa kanyang kampanya laman sa illegal immigrants at naniniwala sila na hindi maganda sa kultura ng US ang pananatili ng mga undocumented sa nasabing bansa.

Gayunpaman ay marami ring mga democrats ang tumututol sa ganitong sistema at may mga lider na rin ng ilang mga estado ang nagpahayag na hindi sila susunod sa kautusan ni Trump na may kaugnayan sa deportation.

Kabilang rito ang Los Angeles City sa California na nagpatupad ng “Sanctuary City” Ordinance na naglalayong protektahan ang kapakanan ng mga immigrants sa lugar.

Malaking tulong din kasi umano ang mga nasabing immigrants para sa ilang industriya kagaya na lamang sa sektor ng agrikultura, health at sa mga services.

Ayon kay Melegrito, nais din sana ng mga nasabing Pilipino na maging documented subalit dahil sa hirap ng immigration process kung kayat napipilitan silang maging illegal immigrant.