Umabot sa mahigit isandaang milyong piso ang naitalang pinsala sa mga paaralan sa rehiyon matapos ang sunud-sunod na pananalasa ng mga bagyo sa nagdaang mga linggo.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Benjamin Paragas, Regional Director ng Deped Region 2 sinabi niya na sa pagbisita ni Pangulong Bongbong Marcos sa Licerio Antiporda National High School sa Buguey Cagayan na nakapagtala ng damage na nagkakahalaga ng mahigit P40 milyon at agad namang nangako ng allotment ng pondo si Sec. Sonny Angara ng Deped para sa pagsasaayos sa paaralan.
Tiniyak naman niya na nakapagbigay na sila ng clean up drive fund sa mga Schools Division Offices sa Isabela at Cagayan pangunahin ang mga nagsumite ng listahan ng mga nabahang paaralan sa mga naunang bagyo mula kay Kristine, Nika at Ofel.
Aniya ang hindi pa nila nabibigyan ng pondo ay ang mga sinalanta ng bagyong Pepito dahil nagpapatuloy pa ang assessment ng mga eskwelahan sa naitalang damages.
Tiniyak naman niya na may nakahandang pondo na maibibigay sa mga apektadong paaralan.
Nasa P25,000 ang ibinibigay ng Deped Region 2 na magagamit para sa clean up drive sa mga binahang classroom habang nasa P50,000 naman para sa repair ng mga nasirang pasilidad.
Sa ngayon ay marami nang mga eskwelahan ang nakabalik sa face to face classes habang ang iba ay nagsasagawa ng alternative delivery mode kung saan binibigyan lamang ng modules ang mga mag-aaral habang ang iba ay online classes.