Naging matagumpay ang State of the City Address ni Mayor Jose Marie Diaz sa bagong The Capital Arena.
Sa kaniyang talumpati ibinida ni Mayor Diaz ang lahat ng mga pagsisikap ng City of Ilagan para mapataas ang ekonomiya ng Lungsod sa pamamagitan ng iba’t ibang mga proyekto, pagtatayo ng mga imprastraktura gaya ng City of Ilagan Medical Center sa Barangay Lullutan.
Isa sa ipinagmalaki nito ang malaking pagbabago ng Lungsod ng Ilagan kung saan mula sa pagiging 3rd Poorest City noong taong 2003, nakamit ng City of Ilagan ang pwesto bilang 49th Wealthiest City sa buong Pilipinas.
Maliban dito, ipinagmalaki rin nito ang mga nailunsad at nagpapatuloy na mga programa sa iba’t-ibang sektor katulad ng agrikultura gaya ng cattle raising, pangkalusugan, edukasyon, at mga imprastraktura.
Nagpaabot si Mayor Diaz ng taos pusong pasasalamat sa mga katuwang na Stakeholders para sa mga matagumpay na programa gaya ng roadworks at development projects.
Batay kay Mayor Diaz isa sa panuntunan bilang isang Livable City ang mobility kaya naman ipinagmalaki niya ang 70 modernized jeepney na meron ang Lunsod ng Ilagan kabilang ang mga taxi na kasalukuyan nang bumibiyahe sa iba’t ibang ruta sa buong Region 2.
Ang Highlights ngayong taon ng kaniyang SOCA ay ang pagpapasinaya sa Capital Arena na pinondohan ng 750 million pesos na may 10,000 sitting capacity at inaasahang magbibigay ng hanapbuhay sa maraming Ilaguenio.
Handa na ang Capital Arena na maghost ng malalaking sporting events, maging international event na hakbang ng pamahalaan para mapataas ang ekonomiya ng Lungsod.
Kasalukuyan na rin ang pagpapatayo ng Ilagan City Hotel na may pondong P200 million na magsisilbing accommodation para sa mga business travelers.
On going na rin ang pagpapatayo ng City of Ilagan College na may kabuuang pondo na P300 Million na handang mag-alok ng mga allied courses at paramedic courses.
Nakatakda ring itayo ang dalawang bagong palengke sa San Antonio at Marana na mag propromote ng suporta sa local farmers at MSMEs.
Napipinto na rin ang pagsisimula ng 5,500 high rise condominiums katuwang ang Pamahalaan sa ilalim ng programa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Samantala, inihayag ni City Public Information Officer Paul Bacungan na maliban sa SOCA ay pinasinayaan din ang ilang bagong gusali ng DEpEd at DTI.
Bahagi ito ang proyekto ng City Government of Ilagan sa pagtatayo ng imprastraktura kabilang ang school buildings kung saan ang highlights ay ang City of Ilagan College.
Maliban pa ito sa mga flood control project kasabay ng pagpapalakas ng disaster response.
Ang pinaka-layunin ng SOCA ay matiyak na maging transparent ang Pamahalaang Lungsod sa pondo o kaban ng taumbayan.